Kultura at Sining ng Palawan: Buhay na Pamana ng Bayan
Dala ng pagbabago ng panahon, hindi lamang sa agham at teknolohiya nakatuon ang ating pag-unlad, kundi pati na rin sa sining at kultura na patuloy na nagiging salamin ng ating nakaraan at kasalukuyan. Ito ay buhay na hindi natitinag, patuloy na nagbabago, lumalago, at nagiging bahagi ng bawat aspeto ng ating pamumuhay.
Maituturing ang Palawan na pinakamalaking lalawigan sa bansa, bukod sa laki ng heograpikong sitwasyon nito ay malaki rin ang ambag nito sa kasaysayan na siyang nagiging dahilan ng mayaman nitong kultura at sining na patuloy na pinagyayaman ng mga Palaweño.
Ang mga aspetong ito ang siyang nag-uudyok upang mas lalong bigyang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Culture and Arts Development Program ang pagpapanatili ng makulay na sining at kultura ng Palawan, gayundin ang pagpapayaman ng kahusayan ng mga alagad ng sining sa Palawan. Mula sa pagtatanghal, sining- biswal, literatura, musika at mga gawaing pang-kultural at iba pa, lahat ito ay kasama sa pagpupunyagi ng pamahalaang panlalawigan na siyang maituturing na pamana ng kasalukuyang panahon.
Sa ilalim ng programang ito, naipagmamalaki ang kakayahan ng mga Palaweño pagdating sa pagtatanghal mula musika at sayaw. Malaki ang paniniwala na nararapat na mabigyan ng malaking prayoridad ang sining at kultura ng ating bayan lalo na kung ang pamahalaan ang mangunguna rito.
Nariyan rin ang mga ahensya ng pamahalaang nasyunal na katuwang sa pagtataguyod ng mga gawaing pang-kultural tulad ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Cultural Center of the Philippines (CCP), National Museum of the Philippines, at marami pang iba.
Sa pamamagitan ng binuong Palawan Performing Group ng kapitolyo kabilang ang Provincial Capitol Chorale at Palawan Dance Ensemble ay napapanatiling buhay ang mga gawaing kultural sa Palawan sa larangan ng pagtatanghal. Ang mga awiting tatak Palaweno mula sa orihinal na komposisyon ng mga lokal na kompositor ay nabibigyang buhay dahil sa Capitol Acoustic Band, at ang sayang hatid ng Capitol Band sa mga barangay ng lalawigan ay nagbibigay-kulay sa mga musikang Pilipino sa tuwing sila ay magtatanghal, patunay lamang na prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang programang pang-kultural para sa mga Palaweño.
Kung hindi natin naitatanong, ang ating gobernador na si Gob. V. Dennis M. Socrates ay isang ring musikero, mahilig din ito sa mga awiting klasikal kung kaya’t malapit sa kanyang puso ang mga musikang nagsisilbing inspirasyon sa kanyang buhay. Lagi itong nakiki-jamming sa mga kantahan kapag nariyan ang capitol acoustic band at laging dala ang kanyang mahiwagang gitara. Isang patunay na ang sining ay bahagi ng buhay ni Gob. Socrates.
“Importante na mayroon tayong malakas na sense of our identity as Palaweños, and that history, culture and our arts will enhance our sense of oneness, our sense of being a people,” pahayag ni Gob. Socrates.
At mula naman sa mga kwento ng kasaysayan ay nariyan ang Palawan Heritage Center sa kapitolyo, upang maging daluyan ng karunungan sa mga turistang nais malaman ang hiwaga at kwento na mayroon ang Palawan. Dito makikita ang mga artifacts, na siyang salamin ng ating pagkakakilanlan mula sa ating mayamang nakaraan.
SIKATUGYAW ARTS FESTIVAL
Sa pagdiriwang ng buwan ng mga sining sa bansa o National Arts Month ngayong Pebrero, ay muling binibigyang halaga ang layunin ng bansang nagkakaisa sa ngalan ng iisang mithiin — ang sining, alinsunod ito sa Proclamation No. 683 noong taong 1991 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Mula sa mandato na ito kung kaya’t isinilang ang SIKATUGYAW Festival sa Palawan – isang arts festival para sa selebrasyon ng Buwan ng mga Sining sa bansa, na ang ibig sabihin ay SINING, KATHA, TUGTOG AT SAYAW– matatandaang noong taong 2019 ay napili ang Palawan bilang host-province ng pagdiriwang sa buong Luzon na maraming nakilahok lalo na ang mga kabataan at local artists.
Maituturing din na makasaysayan ang pagsasagawa ng kauna-unahang Palawan Culture and Arts Summit ng pamahalaang panlalawigan noong taong 2024. Tinatayang nasa 500 partisipante mula sa mga munisipyo at lungsod ng Puerto Princesa ang nakilahok sa aktibidad na ito. Dito inilatag ang mga rekomendasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan na may kinalaman sa mga gawaing pang-kultural.
Ang mga inisyatibong ito ay matagumpay na naisakatuparan sa malikhaing pagganap ng kanyang tungkilin bilang Program Director ng Culture and Arts Development Program ng pamahalaang panlalawigan, ito ay walang iba kundi si G. Ceasar Sammy A. Magbanua. Mula nang ito ay naitalaga sa naturang programa, kanyang binigyang- diin ang patuloy na pagpapayabong ng makulay at mayamang sining at kultura ng Palawan.
Si G. Magbanua rin ang naging daan upang magkaroon ng malakas na ugnayan ang mga ahensiyang nasyunal at dalhin ang mga programa sa Palawan, gaya na lamang ng mga prestihiyosong mga grupo tulad ng The Bayanihan National Dance Company, Philippine Madrigal Singers, mga kilalang mga aktor sa teatro gayundin ang Philippine Philharmonic Orchestra at marami pang iba.
Mahigit isang dekada narin na patuloy na nagbibigay ng de-kalidad na pagtatanghal ang Palawan Performing Group sa ilalim ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan. Mula sa mga sayaw at kantang tatak Palaweño ay ipinamamalas ang mayamang kwento ng lalawigan.
KAAMBENGAN
Sa espesyal na pagtatanghal na “Kaambengan” – A celebration of Palawan Culture, na isang kultural na pagtatanghal, hango ito sa kwento ng mga katutubong Palaweño. Maging ang impluwensiyang Islam ay bahagi rin ng kwento gayundin ang pananakop ng mga kastila makalipas ang 400 na raang taon ay makikita dito. Kadalasan itong itinatanghal ng grupo sa tuwing may mahalagang okasyon at mga bisita mula sa iba’t panig ng bansa. Dito ay mas lalong naiintindihan ng bawat manonood ang kwento ng Palawan.
Ang “Kaambengan” ay salitang Cuyonon na ang ibig sabihin ay kasiyahan o pagdiriwang, mula sa direksyon ni G. Magbanua na siya mismo ang sumulat ng kwento nito katuwang ang iba pang mga alagad ng sining sa Palawan. Isang hindi matatawarang obra na patuloy na pinagyayaman hanggang sa kasalukuyan.
Nitong nakaraan taong 2024, unang nasilayan ng mga Palaweño ang “Prinsipe Bahaghari” na isang puppet show dala ng Teatrong Mulat ng Pilipinas sa Palawan, ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng CCP at pamahalaang panlalawigan. Maraming mga bata ang namangha at natuwa mula sa palabas na ito, pambihirang pagkakataon na masilayan ang isang de-kalibreng pagtatanghal na may dalang mabuting aral.
Kung usapang pangkaunlaran, malaki ang paniniwala ni Provincial Planning and Development Coordinator Sharlene D. Vilches na ang kultura ay kasangkapan ng pag-unlad ng isang lipunan.
“Naniniwala tayo na ang kultura is a natural resource kaya kailangan nating i-sustain dahil lahat ng ating development framework ay dapat naka-angkla sa kultura para maging efficient at epektibo. In terms of development perspective ay malaking tulong ‘yung pagpapaunlad ng kultura at gawin natin itong sustainable,” ani PPDC Vilches.
Sa katanuyan, kabilang ang sining at kultura sa pagsukat ng isang mabuting pamamahala sa gobyerno mula nang ilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Seal of Good Local Governance (SGLG), ito ay isang pagkilala upang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na mapabuti ang kanilang paglilingkod gayundin ang tamang pamamahala ng kanilang nasasakupan.
At dahil sa mga pagpupunyaging ito upang maitaguyod ang mga gawaing pang-kultural, kasamang naipasa ng Pamahalaang Panlalawigan ang “Tourism Heritage Development Culture and Arts” na isa sa governance areas ng SGLG.
Ang mga kwento ng nakaraan at ang makulay na kultura at tradisyon ng ating bayan, ay magsisilbing pamana sa kasalukuyan. Ang ating patuloy na pagsisikap at sapat na suporta ng pamahalaan, maaari nating mapanatili, mapalaganap, at ipagdiwang ang mga tradisyon at sining na bumuo sa ating mayamang pinagmulan –ang kultura. Ang pagkakaroon ng malakas na ugnayan at kooperasyon ng bawat isa, mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa mga mamamayan, ay magbibigay daan upang ang ating lalawigan ay maging mas matatag at mas makulay sa larangan ng sining, kultura, at pag-unlad.




























