55 BENEPISYARYO APEKTADO NG ASF SA MAGSAYSAY, TUMANGGAP NG FINANCIAL LIVELIHOOD ASSISTANCE MULA SA PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG PALAWAN
Bilang bahagi ng pagpapatuloy ng pagdiriwang ng National Women’s Month 2025 na may temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Angat Buhay sa Bagong Pilipinas,” isinagawa ng Provincial Gender and Development Office ng Palawan ang Awarding of Financial Livelihood Assistance sa limampu’t limang (55) benepisyaryo mula sa Barangay Cocoro, Magsaysay nakaraang ika-13 ng Marso. Ang mga benepisyaryo ay kasapi ng dalawang aktibong asosasyon sa naturang barangay, kung saan karamihan sa mga miyembro ay mga kababaihang lubos na naapektuhan ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa kanilang lugar. Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng halagang tatlumpung libong piso (₱30,000) na magsisilbing paunang puhunan para sa kanilang napiling alternatibong pangkabuhayan, na maituturing na mahalagang hakbang patungo sa muling pagbangon mula sa pinsalang dulot ng ASF. Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial GAD Office bilang pagsunod sa mga itinatadhana ng Magna Carta of Women (RA 9710) at ng Local Government Code of 1991, partikular na sa mga probisyon hinggil sa pagkakaloob ng mga serbisyong pangkaunlaran na nakatuon sa sektor ng kababaihan. Layunin nitong matiyak na ang kababaihan sa kanayunan ay may pantay na akses sa oportunidad para sa kabuhayan, pagsasanay, at suporta mula sa lokal na pamahalaan. Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sina Punong Barangay Reynante Palao ng barangay Cocoro at Punong Barangay Ronnie Bagona ng Barangay Los Angeles sa patuloy na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. Ayon sa kanila, ang ganitong uri ng interbensyon ay nagpapakita ng tunay na malasakit at maayos na pamamahala na tumutugon sa mga isyung pangkabuhayan at pantay na pagkilala sa kasarian. Ang programang ito ay mula sa direktiba ni Governor V. Dennis M. Socrates sa ilalim ng kanyang administrasyon at programa na nakatuon sa kapakanan at pag-unlad ng kababaihan sa Palawan. Kung saan naniniwala siya na ang kababaihan ay maituturing na haligi ng komunidad at ang bawat pagtataguyod ng kanilang kabuhayan, ay isang hakbang patungo sa mas matatag, mas makatao, at mas makatarungang lipunan sa ilalim ng Progresibong Sambayanan. Ang pagbibigay ng Financial Livelihood Assistance ay patunay ng layunin ng kanyang administrasyon na makapagtatag ng mga programang gender-responsive at inclusive, alinsunod sa adhikain ng pambansang pamahalaan na isulong ang kaunlaran ng bawat sektor, lalo na ang kababaihan sa mga liblib at lubos na apektadong lugar. Sa pamamagitan ng programang ito, hindi lamang muling binibigyang pag-asa ang mga nawalan ng kabuhayan, kundi pinatitibay rin ang paniniwala na ang kababaihan, saanmang sektor sila naroroon, ay may mahalagang ambag sa pag-angat ng buhay sa Bagong Pilipinas.