PAMAHALAANG PANLALAWIGAN, NAGKALOOB NG MGA SEAWEED PLANTING MATERIALS AT KAGAMITANG PANGISDA SA MGA SEAWEED FARMERS AT FISHERFOLKS SA BAYAN NG AGUTAYA


Isang daan at limampung (150) seaweed farmers mula sa Barangay Concepcion  at isang daang (100) mangingisda mula sa Barangay Poblacion sa munisipyo ng Agutaya, Palawan ang benepisyaryo ng seaweed planting materials at kagamitang pangisda mula sa pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office (PAgO) nitong nakalipas na Marso 12 at 14, 2025.

Kabilang sa mga ipinagkaloob na kagamitan ay ang lambat para sa mga mangingisda habang lubid, plastic straw at seaweed propagules naman ang ipinagkaloob sa bawat isang seaweed growers na lubhang naapektuhan ng nakalipas na bagyo ayon sa tala ng PAgO.

Ang inisyatibong ito ay bunsod sa hangarin ni Gob. Dennis M. Socrates na lalo pang matutukan ang sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Palawan, kung kaya’t patuloy na pinaiigting ng pamahalaang panlalawigan sa pamamgitan ng PAgO ang mga programa na nakasentro sa pagpapaunlad ng agrikultura upang masiguro ang sapat na suplay ng pagkain at pagpapalago sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa iba’t ibang panig ng lalawigan.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo ng programa kay Gob. Socrates gayundin sa mga inisyatibong ginagawa ng PAgO,  upang matulungan ang sektor ng pangisdaan sa lalawigan na mas lalong pinalalakas sa ilalim ng Fishcatch and Aquaculture Enhancement Program.