Bilang bahagi ng pagpapatuloy ng pagdiriwang ng National Women’s Month 2025 na may temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Angat Buhay sa Bagong Pilipinas,” isinagawa ng Provincial Gender and Development Office ng Palawan ang Awarding of Financial Livelihood Assistance sa limampu’t limang (55) benepisyaryo mula sa Barangay Cocoro, Magsaysay nakaraang ika-13 ng Marso. Ang mga benepisyaryo ay kasapi ng dalawang aktibong asosasyon sa naturang barangay, kung saan karamihan sa mga miyembro ay mga kababaihang lubos na naapektuhan ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa kanilang lugar. Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng halagang tatlumpung libong piso (₱30,000) na magsisilbing paunang puhunan para sa kanilang napiling alternatibong pangkabuhayan, na maituturing na mahalagang hakbang patungo sa muling pagbangon mula sa pinsalang dulot ng ASF. Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial GAD Office bilang pagsunod sa mga itinatadhana ng Magna Carta of Women (RA 9710) at ng Local Government Code of 1991, partikular na sa mga probisyon hinggil sa pagkakaloob ng mga serbisyong pangkaunlaran na nakatuon sa sektor ng kababaihan. Layunin nitong matiyak na ang kababaihan sa kanayunan ay may pantay na akses sa oportunidad para sa kabuhayan, pagsasanay, at suporta mula sa lokal na pamahalaan.